
Idineklarang liable ng Korte Suprema ang Mother Goose Special School System matapos ang isang insidente ng pambubugbog sa loob ng kanilang paaralan.
Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Mario Lopez, napatunayang nagkulang ang paaralan sa pag-aksyon sa reklamo ng estudyanteng binugbog ng kanyang mga kaklase habang nasa comfort room ang guro.
Hindi agad ito inaksyunan ng pamunuan ng paaralan at itinuring lamang ang insidente bilang simpleng asaran o biruan kung kaya’t nagsampa ng kaso ang mga magulang ng biktima.
Kinumpirma ng Korte Suprema ang desisyon ng Mababang Hukuman na may pananagutan ang paaralan, at inatasang magbayad ng P650,000 bilang danyos at bayarin sa abogado.
Giit ng Korte Suprema, may obligasyon ang mga paaralan na tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante sa loob at labas ng eskwelahan habang nasa kanilang pangangalaga.