CLEARING OPERATIONS AT MONITORING, PINAIGTING SA SAN FERNANDO CITY LA UNION

‎Patuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan ng San Fernando, La Union upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Bagyong Maymay.

‎Nagsasagawa ng road clearing operations at masusing pagmomonitor ang mga barangay upang maiwasan ang pagtaas ng tubig-baha at agad na matugunan ang anumang insidente.

‎Kabilang sa mga naaksyunan ng pamahalaang lungsod ang mga naitalang landslide, soil erosion, at mga natumbang puno at poste ng kuryente sa ilang barangay.


‎Kabilang sa mga lugar na nagsagawa ng road clearing operations ang Barangay Sibuan-Otong at Purok 4 ng Barangay Sacyud.

‎Samantala, nakaranas naman ng pagbaha kaninang umaga ang bahagi ng Biday Diversion Road sa San Fernando City kung saan nahirapang makatawid ang mga motorista dahil sa agos ng tubig.

‎Pero bandang tanghali ay agad din naman itong humupa.

‎Sa ibinahagi naman ng DPWH La Union 1st District Engineering Office, iniulat din ang pagbaha sa ilan pang bahagi ng lungsod kung saan agad namang nagtalaga ng mga tauhan ang DPWH para sa pagbubukas ng mga manhole at pagsasagawa ng water pumping operations habang patuloy ang kanilang pagmamanman sa kondisyon ng pagbaha at pagiging madaanan ng mga kalsada.

‎Pinapayuhan din ang mga motorista na mag-ingat sa pagdaan sa mga binahang lugar.


‎Batay naman sa tala ng Mines and Geosciences Bureau Regional Office 1, nasa 558 barangay sa buong La Union ang posibleng maapektuhan ng landslide at pagbaha dulot ng patuloy na pag-ulan. Sa bilang na ito, 53 barangay ay matatagpuan sa San Fernando City.


‎Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang lahat ng residente na manatiling alerto, makinig sa mga opisyal na anunsyo, at makiisa sa mga ipinatutupad na hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments