Wednesday, September 9, 2026

Pamilya ng nasawing PH Navy trainee, dumulog sa NBI dahil sa dudang foul play at magkakasalungat na medical report

Nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation – Homicide Division (NBI-HD) ang pamilya ng nasawing Philippine Navy Officer candidate na si Aldwayne Dulnuan upang humiling ng hiwalay na imbestigasyon sa kaniyang pagkamatay.

Pumanaw noong July 22 ang 25-anyos na si Aldwayne habang nasa kasagsagan ng training sa San Antonio, Zambales matapos mawalan ng malay kasunod ng 5-kilometer run.

Ayon sa ina ng biktima na si Stella Marie Dulnuan, hinihinala nilang may naganap na foul play dahil physically fit naman ito nang sumabak sa pagsasanay at kaduda-duda rin ang magkakaibang findings na ibinigay sa kanila.

Nakasaad na heat stroke at cardiac arrhythmia ang paunang pahayag ng Navy at septic shock ang nasa death certificate, habang bilateral pulmonary congestion naman ang lumabas sa autopsy ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Dagdag ng pamilya Dulnuan, wala man lang rin umanong ibinibigay na update ang Philippine Navy kahit 49 days na raw silang nagpapatupad ng imbestigasyon.

Facebook Comments