
Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nagtago sa Boracay ang co-mastermind sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que na si Kelly Tan.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, nagpalit-lipat ng hotel ang suspek sa Boracay upang taguan ang mga awtoridad.
Base sa nakalap nilang intelligence reports, mula April 26 hanggang May 1 nasa Henann Garden Resort si Kelly habang nitong May 1 hanggang May 15 ay lumipat ito sa Summer Place Boracay.
Kasamang naaresto ni Kelly ang hairdresser na si Wu Jabing na sinasabing nag-check in para kay Kelly sa mga resort sa Boracay.
Nakuha mula kay Wu Jabing ang isang mask na may wig na posibleng gamitin para itakas si Kelly palabas ng bansa.
Sa ngayon, sumasailalim sa inquest proceedings ang dalawa sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kasong paglabag sa Immigration law.
Hawak na ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang mga suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que.