
Isinusulong ni Senator Chiz Escudero ang panukalang batas na nag-e-exempt o naglilibre sa mga common areas sa mga residential subdivisions at condominiums mula sa pagbabayad ng real property tax (RPT).
Sa Senate Bill 2569 na inihain ni Escudero, layunin nitong magbigay ng financial relief sa milyon-milyong pamilyang kabilang sa middle class.
Pinaaamyendahan sa panukala ang Section 234 ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991 na layong alisin ang mga singil na hindi napapansin na ipinapasa sa mga residente sa pamamagitan ng association dues.
Ipinunto ni Escudero na hindi naman kumikita ang mga lugar na ito pero pinapatawan pa rin ng buwis kung saan sa huli, ang mga pamilyang nakatira ang nagbabayad at hindi ang developer.
Dagdag pa ni Escudero, ang pagpapataw ng real property tax sa mga common areas ay hindi lang nakadaragdag sa regular na gastusin ng mga homeowners kundi maaaring makapigil sa mga developer na maglaan ng lupa o espasyo sa mga gusali at community amenities.
Kapag naisabatas ang panukala, inaasahang bababa ang buwanang bayarin ng mga residente sa mga condominium at subdivision sa buong bansa at magbibigay ng pangmatagalang ginhawa sa gastusin ng mga pamilya.










