Comelec, nagbigay ng palugit sa pagtatanggal ng campaign materials na iligal na nakapaskil

May tatlong araw ang mga kandidato para baklasin ang kanilang mga iligal na campaign materials o maharap sa election offense.

Ito ang babala ng Commission on Elections (Comelec) sa pagsisimula ng kampanya para sa national candidates ngayong Martes.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, susulatan na nila ang mga kandidato at mga party-list para ipatanggal ang mga materials na nakapaskil sa mga iligal na lugar.


Sabi pa ni Garcia, isa sa maaaring parusang kaharapin ng kandidato ang diskwalipikasyon sa pagtakbo sa halalan.

Bukod sa mga nakapaskil sa mga poste at puno, ikokonsiderang iligal ang campaign materials kapag hindi ito sumunod sa tamang laki at materyales.

Batay kasi sa Comelec Resolution No. 11111, dapat gawa sa tela, papel, cardboard o iba pang recyclable materials ang mga election propaganda.

Facebook Comments