
Walang plano ang Commission om Elections (Comelec) na isailalim sa kanilang kontrol ang Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ngayong election period sa kabila ng nangyaring pag-ambush sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.
Sa naging panayam kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bagama’t maituturing na election related violence ang nangyari, kumpiyansa siya na hindi na ito mauulit at magiging panatag ang mga residente ng BARMM sa nalalapit na parliamentary elections.
Aniya, hiningi na nila ang tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagbabantay ng seguridad para naka-antabay lang sila upang hindi maalarma o mangamba ang publiko sa BARMM.
Aniya, limang persons of interest ang kanilang tinututukan kaya’t hinihintay nila ang resulta ng imbestigasyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda sa BARMM elections kung saan unti-unti na rin ipinapadala ang mga kagamitan may kaugnayan sa halalan.
Siniguro at umaasa rin ang opisyal ng Comelec na magiging maayos, tahimik at walang magiging problema ang halalan
Kaugnay nito, nakahanda naman ang Comelec na magpadala ng ilang security forces sa BARMM kung kakailanganin base sa napag-usapan sa isinagawang command conference kasama ang ilang ahensiya nh pamahalaan.










