Tuesday, August 11, 2026

VPSD, kinasuhan na ng DOJ ng grave threats

Naisampa na sa korte ang reklamong grave threats laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) kung saan inihain ito sa Quezon City Regional Trial Court hapon ngayong Martes, August 11.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ito pa rin ang inihain ng National Bureau of Investigation sa kagawaran at ang tinalakay bilang isa sa articles of impeachment laban kay Duterte.

Hindi naman naisampa sa korte ang isa pang reklamo laban kay Duterte na inciting to sedition.

Nag-ugat ang kasong grave threats sa pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ni VP Sara na may kinausap na umano siya para patayin ang mga ito sakaling may mangyaring masama sa kaniya at iginiit na “no joke” o wala itong halong biro.

Samantala, sa isang pahayag naman kinumpirma ng legal counsel ni VP Sara na 3 counts ng grave threats ang inihain ng Justice Department.

Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, inaasahan na nila at pinaghandaan na nila ito at tiwalang maibabasura rin ang kaso.

Sa ilalim aniya ng batas ay mananatiling inosente ang Pangalawang Pangulo at iginiit na hindi umano maaaring usigin sa reklamo na tinatalakay din sa impeachment.

Gagamitin din daw nila ang lahat ng legal remedy kaugnay sa kaso.

Facebook Comments