Monday, August 17, 2026

Acosta, idineklarang “hostile witness” ng prosekusyon

Idineklara ni Senate Impeachment Court presiding officer Chiz Escudero na “hostile witness” ang dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta.

Sa pagsisimula ng impeachment trial, sinabi ni prosecution lawyer Atty. Amando Ligutan na si Acosta ang kauna-unahang “hostile witness” ng prosekusyon na kinatigan ni Escudero kung saan pinapayagan ang abogado ng prosekusyon na magtanong sa testigo ng mga leading questions at hindi misleading questions.

Si Acosta ang SDO na tumanggap at nag-encash ng P500 million na confidential funds ng OVP mula 2019 hanggang 2022 pero ito ay ibinigay naman niya sa kanilang security officer noon na si Col. Raymund Dante Lachica.

Gayunman, tumutol noong una si Atty. Lindon Bacquel na tumestigo rin si Acosta tungkol sa confidential funds sa Davao City dahil hindi relevant sa mga alegasyon sa impeachment trial ng bise presidente at hindi ito parte ng impeachment trial.

Bukod kasi sa pagiging SDO sa OVP ay SDO rin ng Davao City si Acosta.

Ipinunto naman ni Ligutan na relevant ang testimonya ni Acosta dahil mula Davao City ay bitbit din siya ni VP Duterte at ginawa ring SDO ng OVP.

Pinayagan ni presiding officer Chiz Escudero na isama ang pagtalakay sa confidential funds ng Davao City para lamang makapaglatag at maipakita ang pattern sa disbursement at paggamit ng confidential funds ng OVP.

Tiniyak naman ni Escudero na hindi magiging parte ng kaso at paglilitis ang confidential funds ng Davao City noong alkalde ng lungsod si Duterte.

Samantala, hindi naman na pinagsalita at agad ding in-excuse sa witness stand si Marivic Pareja ang chief ng Legislative Archives and Museum Management Service ng Kamara matapos na i-stipulate at tanggapin ng depensa ng bise presidente ang mga dokumento tungkol sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa paggamit ng confidential funds ni Duterte.

Facebook Comments