
Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko na huwag mabahala kung makatanggap ng summons matapos magparehistro bilang botante.
Ayon sa COMELEC, ipinapadala ang summons kapag may naghain ng oposisyon o pagtutol laban sa voter registration application ng isang indibidwal at nais itong dinggin ng Election Registration Board (ERB).
Nakasaad sa nasabing summons ang kopya ng reklamong inihain kasama ang petsa, oras, at lugar ng isasagawang ERB hearing.
Pinayuhan naman ng ahensya ang mga nakatanggap ng summons na dumalo sa pagdinig upang maipagtanggol ang kanilang karapatang bumoto.
Inirerekomenda rin ng COMELEC na magdala ng mga dokumentong magpapatunay ng pagiging kwalipikadong botante tulad ng valid IDs at proof of residency.
Binigyang diin ng COMELEC na hindi dahil nakapagparehistro ay hihintayin na lang ang araw para ikaw ay makaboto dahil pwede pa itong kwestiyunin.
Patuloy naman hinihikayat ng COMELEC ang publiko na subaybayan ang kanilang mga anunsyo kaugnay ng proseso ng voter registration.










