COMELEC, tiniyak ang kahandaan sa 2022 election

53

Tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sheriff Abas na handa ang ahensya na isagawa ang halalan sa 2022 kahit pa sa panahon na iyon ay mayroon pa ring COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa 2021 budget ng COMELEC, sinabi ni Abas na mayroon na silang iba’t ibang partnership sa ibang mga bansa tulad ng South Korea kung saan pinag-aaralan na nila ngayon ang “best practices” na maaaring makuha dito ng Pilipinas sa isasagawang halalan.

Pero nababahala naman si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun na posibleng ang “best practices” sa pagsasagawa ng eleksyon sa ibang bansa ay hindi akma para sa Pilipinas.

Nangangamba ang kongresista na hindi malabo ang disenfranchisement ng mga botante kung hindi matitiyak ng COMELEC ang safety electoral protocols sa 2022.

Dagdag naman ni Abas, tuloy-tuloy ang kanilang pagpaplano at pinagbabatayan nila sa komisyon ang development sa bakuna.

Sinabi naman ni COMELEC Executive Director Bartolome Sinocruz na ilan sa mga posibleng ipatupad sa 2022 elections ay paglilimita sa bilang ng mga botanteng papasukin sa bawat polling precincts at pagtatalaga ng voter’s assistance desk sa bawat voting centers.

Bukod dito ay pinag-aaralan na rin ng COMELEC ang posibilidad na gawing online ang paghahain ng mga kandidato sa kanilang Certificate of Candidacy (COC) para naman sa susunod na taon.




Samantala, sinabi naman ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na ginagamit na nila ang Facebook para magsagawa ng mga webinars at information dissemination kaugnay sa voting education at registration sa gitna ng pandemya.

Facebook Comments