
Naniniwala ang Department of Agriculture (DA) na kailangan pa rin ng deklarasyon ng Food Security Emergency sa kabila ng downtrend ng presyo ng bigas.
Ayon kay DA Spokesperson at Asec. Arnel de Mesa, patuloy ang pagbaba ng international price market, na nagpababa rin ng lokal na presyo ng bigas.
Aniya, kailangan pa rin ng emergency declaration upang maipalabas ang buffer stock mula sa mga bodega ng National Food Authority (NFA).
Aniya, kapag naideklara na ang emergency sa food security, ang mga stock mula sa NFA ay ibebenta sa mga local government units (LGU) sa Metro Manila sa halagang P36 kada kilo, na maaaring ibenta sa mga wet market sa halagang P38 kada kilo.
Ani De Mesa, wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng resolusyon ng National Price Coordinating Council (NPCC) na nagrerekomenda ng emergency sa seguridad ng pagkain dahil patuloy pa rin itong iniikot sa mga miyembro para sa kanilang komento.
Kumpiyansa ang DA na may mailalabas nang resolusyon para mailabas ang bigas sa mga wet market pagsapit ng Pebrero 1.