Confidential fund ng CHR para sa 2024, pinadadagdagan

Pinadadagdagan ni Senator Raffy Tulfo ang confidential fund ng Commission on Human Rights (CHR).

Sa pagdinig ng 2024 budget ng CHR sa Senado, sinabi ni CHR Executive Director Jacqueline de Guia na P1 million lamang ang confidential funds ng komisyon.

Hindi hamak na mas mababa ito kumpara sa apat hanggang limang milyong confidential funds ng CHR sa mga nakalipas na taon.


Giit ni Tulfo, may mga ahensya ng gobyerno na hindi naman ‘deserving’ o hindi karapat-dapat na mabigyan ng confidential funds pero ang CHR na kinakailangang magimbestiga ng mga pang-aabuso na ginagawa ng gobyerno ay P1 million lang ang ibinigay na pondo.

Punto ni Tulfo, kulang na kulang ito para magawa ng ahensya ang kanilang mandato.

Hiling ng CHR na maitaas kahit sa P5 million ang kanilang confidential funds gayundin ay maibalik ang mga tinapyas na pondo para sa travel expenses, financial assistance, training at scholarships.

Sa taong 2024 National Expenditure Program ay mayroong kabuuang P976.3 milyong alokasyon ang CHR.

Facebook Comments