
Iginiit ni Senator Erwin Tulfo na ang impeachment court ang “proper forum” para maipaliwanag ni Vice President Sara Duterte ang kanyang sarili laban sa kinakaharap niyang impeachment case sa Senado.
Sinabi ni Tulfo na kung siya ang tatanungin mas mainam kung haharap sa korte si VP Sara para magpaliwanag lalo’t sa social media ay usong-uso na ang trial by publicity at mabilis kumalat ang fake news na mauuwi pa sa panghuhusga ng mga tao.
Pagkakataon din aniya ng bise na itanggi ang mga alegasyon laban sa kanya kaya bakit siya ma-i-impeach.
Gayunman, idiniin ni Tulfo na maaaring imbitahan si VP Duterte pero hindi ito pwedeng pwersahin o piliting paharapin sa impeachment court dahil sa ibinibigay na kortesiya bilang ikalawa sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
Inihalimbawa ng senador na may precedent na ng impeachment trial kung saan si dating Pangulong Erap Estrada na naharap din sa impeachment trial noon ay hindi napilit na humarap sa kanyang paglilitis.










