
Pormal nang inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban kina Batangas First District Representative Leandro Leviste at dating Representative Jacinto Paras.
Ito ay kaugnay sa umano’y planong idawit si Executive Secretary Ralph Recto sa isang “honeytrap” scheme o bugaw modus.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, reklamong qualified human trafficking ang inihain laban kina Leviste at Paras matapos umano lumabas sa kanilang imbestigasyon na nakita ang lahat ng elemento ng naturang krimen.
Nag-ugat ito sa pagsagip ng mga tauhan ng NBI sa isang babaeng umano’t sangkot sa modus kung saan sinabi nitong kinontrata umano siya para akitin si Recto na gagamitin para akusahan ang kalihim ng human trafficking upang sirain ang reputasyon.
Una nang itinanggi nina Leviste ang alegasyon habang sa ngayon ay nananatili sa ibang bansa ang kongresista.










