Arestado ang isang construction worker dahil sa umano’y pagnanakaw sa Saint Paul Metropolitan Cathedral sa Barangay I, Vigan City, Ilocos Sur, bandang alas-5:20 ng umaga noong October 25, 2026.
Ayon sa Vigan City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang lalaking nakitang nakaupo sa itaas ng bintana sa harapang bahagi ng simbahan, malapit sa estatwa ng isang santo.
Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at naaresto ang suspek.
Nabawi mula sa bag ng suspek ang mga sobre na naglalaman ng mga donasyon sa simbahan na may kabuuang halagang ₱23,884.
Nasamsam din ang isang bolt cutter, apat na sirang padlock, tatlong pares ng steel pliers, isang steel-cutting saw, dalawang mikropono, isang maliit na bilog na salamin, isang cellular phone, at iba pang personal na gamit.
Dinala sa Vigan City Police Station ang suspek at ang mga nakuhang ebidensiya para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.
Inihahanda na ang angkop na kaso laban sa suspek alinsunod sa mga umiiral na batas.
Hinikayat naman ng pulisya ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya ang anumang kahina-hinalang tao o aktibidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







