PAGPAPAUWI SA MGA LABI NG NASAWING OFW SA MALASIQUI, SINISIKAP NA NG OWWA AT DMW

Sinisikap na ng Overseas Workers Welfare Administration Regional Welfare Office 1 o OWWA RWO 1, katuwang ang Department of Migrant Workers o DMW, ang agarang pagpapauwi sa Pilipinas ng mga labi ng isang nasawing Overseas Filipino Worker o OFW na nagmula sa Malasiqui, Pangasinan.

Kabilang ang nasabing OFW sa mga nasawi sa insidente sa Shaybah oilfield ng Saudi Aramco sa Saudi Arabia noong Oktubre 21, 2026.

Bilang paghahanda sa repatriation, dinalaw ng OWWA RWO 1 ang pamilya ng nasawi noong Oktubre 22 at muling bumisita noong Oktubre 24 sa pangunguna ni Regional Director Marivic Mondina.

Sa mga pagbisita, ipinaliwanag sa pamilya ang mga hakbang at dokumentong kailangan sa pagpapauwi ng mga labi, habang inalam din ang kanilang mga agarang pangangailangan.

Tinalakay rin ang mga maaaring tulong na matanggap ng pamilya, kabilang ang Death and Burial Assistance, Education and Livelihood Assistance Program o ELAP, at tulong sa transportasyon ng mga labi.

Nagpahayag din ng kahandaang magbigay ng suporta ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at Pamahalaang Lokal ng Malasiqui sa pamilya ng nasawing OFW.

Tiniyak naman ng OWWA RWO 1 ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa DMW at iba pang kinauukulang tanggapan upang maisulong ang mga kinakailangang proseso at matulungan ang pamilya sa panahon ng pagdadalamhati. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments