CPA lawyer na sangkot sa child exploitation, naaresto sa Zamboanga City

Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang certified public accountant (CPA), abogado at realtor na naaresto dahil sa child exploitation.

Nadakip si Atty. Michael Molina sa Zamboanga City ng pinagsamang pwersa ng Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime (OOC), National Bureau of Investigation (NBI)-Human Trafficking Division, National Coordinating Center on Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at DOJ Inter-Agency Council Against Trafficking.

Matapos maaresto, nasagip din ang tatlong menor de edad at natukoy ang anim pang dagdag na mga biktima na ang ilan ay nasa hustong edad na ngayon at pinaniniwalaang nakaranas ng sexual abuse.

Batay pa sa inisyal na pagsusuri, nag-umpisa ang ganitong gawain ni Molina noon pang 2012 pero posibleng mula pa ito noong 2002.

Nahaharap si Molina sa patung-patong na reklamo sa ilalim ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse or Explotation Materials Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Hinikayat naman ng mga awtoridad ang publiko na isumbong sa DOJ, NBI, at iba pang law enforcement agencies kung may nalalamang kaso ng child exploitation.

Facebook Comments