‎Nagpaalala ang City Transportation Regulation Unit (CTRU) ng Alaminos City sa mga drayber na higit na pangalagaan ang kanilang kalusugan ngayong panahon ng tag-ulan upang maiwasan ang mga sakit na maaaring dulot ng madalas na pagkababad sa ulan at baha.

‎Sa inilabas na paalala, binigyang-diin ng CTRU Alaminos City ang tatlong hakbang na maaaring sundin ng mga drayber upang mapanatiling ligtas at malusog ang kanilang sarili habang naghahanapbuhay sa kalsada.

‎Una, panatilihing tuyo ang katawan. Pinapayuhan ang mga drayber na magsuot ng kapote at bota, gayundin ang pagdadala ng ekstrang damit upang maiwasan ang matagal na pagkababad sa basang kasuotan. Mahalaga rin na tiyaking maayos ang pagkakakabit ng mga tarapal ng tricycle upang magkaroon ng sapat na proteksiyon laban sa ulan.

‎Ikalawa, panatilihing malusog ang pangangatawan. Hinihikayat ang mga drayber na uminom ng walong basong tubig o higit pa upang manatiling hydrated kahit malamig ang panahon.

‎Mainam ding kumain ng masustansyang pagkain upang mapalakas ang resistensya, gayundin ang pag-inom ng mga bitamina ayon sa naaangkop na payo. Mahalaga rin ang sapat na pahinga at regular na pagtulog nang hindi bababa sa walong oras.

‎Ikatlo, gawin ang lahat ng pag-iingat laban sa mga sakit na dulot ng pag-ulan. Pinapayuhan ang mga drayber na huwag lumusong sa tubig o baha nang walang bota upang mabawasan ang panganib ng leptospirosis.

‎Inirerekomenda rin ang paggamit ng insect repellent upang makatulong na makaiwas sa kagat ng lamok na maaaring magdulot ng dengue at ang pagtatakip sa mga nakaimbak na bagay na maaaring pamahayan ng lamok.

‎Kabilang din sa mga pangunahing hakbang sa pag-iwas sa sakit ang regular na paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng facemask kapag may ubo o sipon.

‎Sa pamamagitan ng wastong paghahanda, pangangalaga sa katawan at pagsunod sa mga hakbang pangkalusugan, hinihikayat ang mga drayber na manatiling malusog at ligtas habang patuloy na nagbibigay-serbisyo sa publiko ngayong maulang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments