
Handa ang Council for the Welfare of Children (CWC) na pag-usapan ang mga panawagang ibaba sa dose anyos ang edad ng criminal liability.
Kasunod pa rin ito ng insidente ng pamamaril sa Tacloban City na kinasasangkutan ng dalawang menor de edad.
Ayon kay Angelo Tapales ng Council for the Welfare of Children (CWC), batid nila ang pangangailangang mapag-usapan nang mabuti ang nabanggit na panawagan, at dapat itong harapin ng lahat.
Pero mahalaga, aniya, na malaman muna ang konteksto ng pangyayari sa Tacloban City bilang bahagi ng gagawing desisyon.
Aminado ang opisyal na, batay sa mga pag-aaral, maaaring makasama ang pagpapataw ng mabigat na kaparusahan sa mga nasa edad kinse pababa.
Hindi pa kasi, aniya, ganap na buo ang kaisipan at ang tinatawag na emotional quotient ng bata, kung saan hindi pa nito gaanong nauunawaan ang tama at mali.
Gayunman, nirerespeto aniya nila ang mga panawagan at opinyon ng iba matapos ang insidente ng pamamaril sa Tacloban City.
Nakahanda rin aniya sila na makipagdayalogo sa Department of Education (DepEd) upang magkaroon ng mahusay na paraan o polisiya na makatutulong sa kapakanan ng mga bata.










