Sunday, May 10, 2026

Cyber safety awareness, mas pinaigting sa Puerto Princesa

Pinalawak ng Globe ang kampanya nito para sa digital at cyber safety sa pamamagitan ng pagdadala ng award-winning Digital Thumbprint Program (DTP) sa Puerto Princesa upang maturuan ang mas maraming Pilipino ng ligtas at responsableng paggamit ng internet.

Layunin ng DTP na palakasin ang digital literacy ng mga estudyante, propesyonal, at iba’t ibang komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman kung paano matukoy ang online threats, maprotektahan ang personal na impormasyon, at makaiwas sa cybercrime.

Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center, umabot sa 10,004 cybercrime complaints ang naitala sa bansa noong 2024, mas mataas kumpara sa 3,317 kaso noong 2023.

Kabilang sa mga pangunahing reklamo ang phishing, identity theft, online fraud, at iba pang cyber threats.

Sa isinagawang sessions sa Western Philippines University, nasa 100 estudyante mula sa criminology, business administration, at marketing ang lumahok sa mga talakayan tungkol sa online safety, data privacy, at responsableng digital behavior.

Nagkaroon din ng cyber safety orientation sa ACE Medical Center Palawan kung saan 50 healthcare workers at empleyado ang naturuan ukol sa cybersecurity hygiene at tamang pangangalaga sa sensitibong impormasyon.

Tinalakay rin sa programa ang paggamit ng artificial intelligence at ang kahalagahan ng ethical at ligtas na paggamit ng makabagong teknolohiya upang maiwasan ang data breaches at iba pang online risks.

Ayon kay Yoly Crisanto, Globe Chief Sustainability and Corporate Communications Officer, mahalagang mapalawak ang digital responsibility habang patuloy na lumalawak ang paggamit ng teknolohiya sa iba’t ibang sektor.

Sa pamamagitan ng DTP, patuloy na isinusulong ang mas ligtas at mas matatag na digital ecosystem para sa mga Pilipino.

Facebook Comments