
Inaprubahan na ng Pasig Regional Trial Court ang cyber warrant para sa founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) na si Franco Mabanta at apat pang indibidwal.
Ito ang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) kung saan magkakaroon na sila ng access o maaari nang buksan ang mga gadgets na nakumpiska kina Mabanta.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni NBI Director Atty. Melvin Matibag na saklaw nito ang mga video, litrato, at maging mga text messages para matukoy kung sino ang mga kinausap nito.
Sa pamamagitan aniya nito ay magkaaroon ng kasagutan sa mga umano’y tsismis na may kinakausap si Mabanta.
Inaresto si Mabanta at mga kasama nito dahil sa umano’y tangkang pangingikil ng nasa P350 million mula kay dating House Speaker Martin Romualdez kapalit ng hindi paglalabas ng video na nagdidiin umano sa kongresista.
Sa kabila nito, pansamantalang nakalaya sina Mabanta matapos makapaghain ng tig P120,000 na piyansa.










