
Pansamantalang isasara sa mga sasakyan ang pagitan ng N. Domigo at P. Guevarra Streets na itinalagang Basaan Zone sa Pinaglabanan Street simula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon, para sa taunang Wattah-Wattah Festival ng San Juan City sa darating na June 24.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, inihanda na ng lungsod ang lahat para sa nasabing pista, gaya ng seguridad, traffic management, at mga pangunahing aktibidad sa nasabing pista.
Mahigpit ding ipapatupad ang City Ordinance No. 14, series of 2025 na nagbabawal sa pagbabasa sa labas ng Basaan Zone.
Kabilang din sa ipagbabawal ay ang paggamit ng maruming tubig at mga bagay na maaaring ipambato, gaya ng water bombs, bote, at yelo; maging ang puwersahang pagbubukas at pagbabasa sa loob ng sasakyan, at paggamit ng high-pressure water sprayers maliban sa fire trucks.
Samantala, maaaring patawan ng ₱5,000 na multa at hanggang 10 araw na pagkakakulong ang sinumang lalabag dito.










