
Iniimbestigahan na ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army ang insidente ng umano’y pananakit ng isang training instructor sa ilang graduating trainee sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Kasunod ito ng mga ulat na umano’y pambubugbog ng nasabing instructor sa mga trainee sa kasagsagan ng isang aktibidad.
Sa pahayag na inilabas ng 2ID, layon ng nasabing imbestigasyon na matukoy ang tunay na naganap sa nasabing insidente nang sa gayon ay mapatawan ng nararapat na aksyon na naaayon sa batas, regulasyon at polisiya ng militar.
Kinokondena ng Division ang anumang uri ng pananakit, pang-aabuso o asal para pahinain ang dignidad at kapakanan ng mga personnel at mga trainees nito.
Tiniyak din nito na mapapanagot ang sinumang personnel na malalamang responsable sa nasabing insidente.










