
Nakalikom na umano ng mahigit 5 milyong pirma mula sa online petitions ang iba’t ibang grupo sa Capas, Tarlac at Gitnang Luzon na tutol sa pagtatayo ng Pax Silica sa New Clark City, Tarlac.
Ayon sa mga petitioner, pag-iisahin at dadalhin umano nila ang petisyon sa Kongreso para mahikayat ang mga mambabatas na imbestigahan ang nasabing proyekto bago ang final deal ng Pilipinas at United States sa pagbisita ni US President Donald Trump sa ASEAN Summit sa November.
Sa press conference ngayong Huwebes, August 6, kasama sina ACT Teacher Party-list Rep. Antonio Tinio at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Secretary General Mong Palatino, mariing iginiit ng mga grupo ang kawalan ng transparency sa negosasyon, panganib ng pagkaka-displace ng mga lokal na komunidad, at pangamba sa likas na yaman at soberanya ng bansa kaugnay ng nasabing proyekto.
Samantala, kabilang din sa mga petitioner ang kabataan dahil, ayon sa kanila, nakataya ang kanilang kinabukasan sa itatayong proyekto na magreresulta umano sa pagbibigay sa mga dayuhan ng lupa at likas na yaman ng bansa.
Matatandaang ang Pax Silica ay isang US-led initiative na sinimulan noong December 2025 upang palakasin ang supply chain ng minerals, semiconductors, at AI, na itatayo sa libo-libong ektarya ng lupa sa New Clark City.










