
Mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang kahandaan nito laban sa posibleng epekto ng Super Typhoon “Inday” sa pamamagitan ng pagpupulong ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) noong Hulyo 7.
Sa pulong, tinalakay ng konseho ang mga contingency measures at kahandaan ng iba’t ibang tanggapan at katuwang na ahensiya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sakaling magkaroon ng masamang epekto ang bagyo.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Chief Ronald De Guzman, bagama’t hindi inaasahang direktang tatama ang Super Typhoon “Inday” sa Dagupan, posible pa ring maranasan sa lungsod ang malalakas na pagbugso ng hangin, pag-ulan, at mga isolated thunderstorms, lalo na sa hapon at gabi, habang inaasahang papasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kasabay nito, hinimok ng lokal na pamahalaan ang publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at regular na subaybayan ang mga opisyal na pahayag at weather advisories upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










