
Mahigpit na minomonitor ng Dagupan City Police Office ang pagpapatupad ng pagsasara ng mga Piso Net establishments sa lungsod upang matiyak ang pagsunod sa ipinatutupad na kautusan.
Sa pangunguna ni City Director Arnold Solomon, katuwang ang mga kinauukulang ahensiya, isinasagawa ang monitoring operations kaugnay ng pagpapatupad ng City Ordinance No. 2383-2026.
Nakasaad sa ordinansa ang pagbabawal sa operasyon ng mga Piso Net at iba pang katulad na coin-operated computer rental establishments sa loob ng Lungsod ng Dagupan, kasama ang mga mekanismo sa pagpapatupad, mga parusa, at transitional measures.
Ayon sa mga awtoridad, layunin ng mahigpit na pagbabantay na matiyak ang maayos na implementasyon ng ordinansa at mapanatili ang kaayusan habang isinasagawa ang pagsasara ng mga apektadong establisimyento.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Dagupan City Police Office sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang ligtas at maayos na pagpapatupad ng nasabing kautusan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










