Ipinagmalaki ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez na mas maaga sa itinakdang target na 2030 ay naabot na ng lungsod ang mahigit ₱2.086 bilyong kakayahang pinansyal para sa 2027, kasabay ng paglalahad niya ng mga pangunahing programa, proyekto at direksyon ng kanyang administrasyon sa kanyang 2026 State of the City Address (SOCA).
Ayon kay Fernandez, mula sa dating ₱27 milyong budget deficit at ₱585 milyong badyet noong 2013, lumago ang pananalapi ng lungsod na naging daan upang mapalawak ang Annual Investment Program sa ₱2.663 bilyon.
Sinabi rin ng alkalde na umabot sa ₱437 milyon ang lokal na koleksyon sa unang limang buwan ng 2026, habang higit ₱257 milyon ang nakolekta mula sa business taxes, na aniya ay indikasyon ng lumalakas na ekonomiya at pagdami ng mga negosyo sa lungsod.
Iinihayag rin nito ang mga naisakatuparang proyektong pang-imprastraktura, pagpapalawak ng scholarship programs, pagtaas ng iba’t ibang serbisyong medikal gayundin ang patuloy na operasyon ng Super Family Health Center at Bonuan Satellite Clinic at pagpapalawak ng mental health program ng lungsod sa pamamagitan ng SAFEnet, 24/7 hotlines, at iba’t ibang child protection initiatives.
Sa usapin ng kapaligiran, binigyang-diin ni Fernandez ang pagsasara ng mahigit 60 taong dumpsite sa Tondaligan at ang pagsisimula ng modernisasyon ng solid waste management program ng lungsod.
Ipinahayag din niya na mahigit 33,700 oportunidad sa trabaho ang naibukas sa nakalipas na apat na taon katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensya.
Sa pagtatapos ng kanyang SOCA, nagpasalamat ang alkalde sa Sangguniang Panlungsod, kasabay ng panawagan sa pananagutan sa mga umano’y iregularidad sa ilang nakaraang proyekto ng lungsod, kabilang ang umano’y mga depektibong tablet, CCTV, market stalls at iba pang imprastraktura.
Binigyang-diin ni Fernandez na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagsusuri sa mga naturang proyekto upang matiyak ang pananagutan at mapangalagaan ang pondo ng bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








