Sa ilalim ng temang “Beyond the Game: Empowering Champions, Shaping Character,” pormal na binuksan ang 2025 Dagupan City Athletic Association (DCAA) Meet noong Enero 16 sa lungsod.
Ang makulay na seremonya ay sinalubong ng sigawan at masiglang suporta mula sa mga kalahok at manonood, na nagbigay ng enerhiya sa pagsisimula ng prestihiyosong event.
Unang nagpakitang-gilas ang mga kalahok sa Mr. and Ms. Dagupan City Association (DCAA) 2025 pageant, kung saan itinanghal ang mga pinakakaabangang kinatawan ng palakasan. Kasunod nito, nagpasiklab ng talento ang mga kabataang mananayaw sa Hip Hop Dance Competition (Secondary Division), na siyang naging highlight ng unang araw ng aktibidad.
Sa mga susunod na araw, inaasahang magtatagisan ng galing ang mga estudyanteng atleta sa iba’t ibang sports tulad ng basketball, swimming, table tennis, board games, aero gymnastics, at athletics.
Bukod sa pagpapamalas ng galing, binibigyang-diin din ng DCAA ang kahalagahan ng sportsmanship.
Ang mga magwawagi sa DCAA Meet ay magiging kinatawan ng Dagupan City sa nalalapit na Region 1 Athletic Association (R1AA) Meet na gaganapin sa Ilocos Norte sa huling linggo ng Mayo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨