DALAWANG WANTED PERSONS, TIMBOG SA MAGKASUNOD NA OPERASYON NG DAGUPAN PNP

Dalawang wanted persons ang naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa magkahiwalay ngunit magkasunod na warrant operations noong August 26 at 27.

Isinagawa ang mga operasyon ng pinagsanib na puwersa ng City Mobile Force Company (CMFC), City Intelligence Unit (CIU), City Investigation and Detective Management Unit (CIDMU), at Police Station 1.

Unang naaresto noong August 26 ang isang 30-anyos na babae sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong Theft sa ilalim ng Article 308 ng Revised Penal Code.

May inirekomendang piyansa na ₱6,000 para sa kaso, na kalaunan ay nabayaran ng akusado para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Kinabukasan, August 27, isa namang 31-anyos na lalaki ang naaresto sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inilabas ng Family Court, First Judicial Region, Dagupan City.

Nahaharap ang lalaki sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act), na may kabuuang inirekomendang piyansa na ₱78,000 para sa dalawang kaso.

Nananatili siyang nakadetine sa DCPO Custodial Facility para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Gumamit ang mga operatiba ng Body-Worn Cameras (BWCs) at Alternative Recording Devices (ARDs) sa dalawang operasyon alinsunod sa umiiral na operational guidelines. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments