DAGUPAN CITY, PINALALAKAS ANG MENTAL HEALTH PROGRAM SA ILALIM NG SAFE NET

Pinalalakas pa ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang mga programa para sa mental health sa pamamagitan ng “SAFE NET” (Secure and Abuse-Free Environment Network), ayon kay City Councilor Dr. Jalice “Jaja” Cayabyab sa isang panayam ng IFM News Dagupan.

Ibinahagi ni Cayabyab na layunin ng programa na makapagbigay ng agarang suporta sa mga indibidwal na nakararanas ng suliraning pangkaisipan, emosyonal, at iba pang uri ng pang-aabuso.

Sa ilalim ng SAFE NET, naitala ang pagbuti ng sitwasyon sa lungsod sa pamamagitan ng pagbaba ng mga kaso ng suicide, bullying, at iba pang anyo ng pang-aabuso. Mas marami rin aniya ang mga residente na nagiging bukas sa paghingi ng tulong, na agad namang natutugunan ng mga kaukulang ahensya.

Samantala, ilang Dagupeno naman ang sang-ayon sa pagtutok sa mental health bilang malaking bahagi ng araw-araw na pamumuhay.

Ayon sa kanila, mahalaga ang sapat na suporta at kamalayan sa mental health upang mapanatili ang maayos na emosyonal at panlipunang kalagayan ng bawat isa sa komunidad.

Sa kabuuan, layunin ng programa na higit pang mabawasan ang mga kaso ng mental health concerns sa lungsod at maisulong ang mas ligtas, maayos, at matiwasay na pamumuhay.

Hinihikayat din ang mga Dagupenos na huwag mag-atubiling humingi ng tulong at ibahagi ang kanilang mga pinagdaraanan sa pamilya, kaibigan, o sa mga ahensyang may kakayahang tumugon sa usaping mental health. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments