Mahigpit na ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang gun at liquor ban mula Abril 21-22, kaugnay ng nalalapit na Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of the Rosary of Manaoag.
Ayon sa nilagdaan na Executive Order No. 42, pansamantalang ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak sa lahat ng establisyimento at pampublikong lugar sa buong bayan.
Pinapayagan lamang ang mga hotel at accredited establishments para sa checked-in guests at kinakailangang sa loob lamang.
Maaari ring magbigay ng written exemption ang tanggapan ng alkalde sa mga espesyal na kaso.
Samantala, sa ilalim naman ng Executive Order No. 39, ipagbabawal ang pagdadala ng baril sa Barangay Poblacion at paligid ng simbahan kung saan pinapayagan lamang ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, iba pang uniformed personnel, at awtorisadong security forces.
Maaari ring mag-isyu ng espesyal na permit ang pulisya sa mga legitimate cases tulad ng pagdadala ng malaking halaga ng pera at duty ng mga guwardiya.
Kaugnay nito, inatasan ang pulisya, MDRRMO, at mga barangay na mahigpit na ipatupad ang mga naturang kautusan kung saan ang sinumang lumabag ay haharap sa kaukulang parusa.
Ayon sa LGU, ang sabayang pagpapatupad ng gun at liquor ban ay importante upang mapanatili ang kaayusan sa daloy ng aktibidad na itinuturing na isa sa pinakamalaking religious gathering sa Manaoag. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










