LGU-BAYAMBANG, NAGBABALA SA PEKENG TRANSAKSYON SA LUPA SA MANGABUL RESERVATION

Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang mga residente ng Mangabul Reservation na huwag maglabas ng pera sa sinumang nag-aalok ng karapatan sa lupa o nagsasagawa ng transaksyon nang walang kaukulang awtorisasyon.


‎Ito ay matapos makatanggap ng ulat ang Municipal Assessor’s Office hinggil sa mga indibidwal na umiikot sa lugar, nagsusukat umano ng mga lupain at naniningil ng ₱5,000 sa mga residente.

‎Ayon sa Municipal Assessor’s Office, walang awtorisasyon ang mga naturang indibidwal na maningil o mangako ng karapatan sa lupa kapalit ng bayad.

‎Mayroon umanong talaan ang tanggapan ng mga lehitimong matagal nang naninirahan at nagsasaka sa Mangabul Reservation.

‎Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng LGU-Bayambang sa House of Representatives at Senado upang maisulong ang batas na magdedeklara sa Mangabul Reservation bilang alienable and disposable land of the public domain.


‎Mahigpit namang tututukan ng lokal na pamahalaan ang mga ilegal na paniningil at panlilinlang.

‎Hinihikayat ang mga residente na huwag makipagtransaksyon o magbigay ng pera at agad i-report sa Municipal Assessor’s Office o sa kinauukulang awtoridad ang anumang kahina-hinalang alok.

‎Ang mga residente namang naging biktima ay maaaring personal na magtungo sa Municipal Assessor’s Office upang maitala ang kanilang reklamo at mabigyan ng gabay sa mga legal na hakbang. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments