LUMANG TULAY SA BRGY. BOCACLIW SA AGUILAR, GINIBA MATAPOS IREKLAMONG NAKAKABARA SA DALOY NG TUBIG

Sinimulan nang gibain ang isang hindi na ginagamit na tulay sa Barangay Bocacliw, Aguilar, Pangasinan matapos ireklamo ng mga residente na nakasasagabal umano ito sa daluyan ng tubig at posibleng nakadaragdag sa pagbaha sa Purok Star Apple.

Makikita sa isinagawang operasyon nitong Miyerkules, Agosto 12, ang paggamit ng heavy equipment ng lokal na pamahalaan upang tanggalin ang bahagi ng lumang konkretong istruktura na nasa mismong daluyan ng tubig.

Bago ang demolisyon, nagtungo sa lugar ang mismong Alkalde at mga kinatawan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Municipal Engineering Office at mga opisyal ng barangay upang suriin ang kondisyon ng lugar at ang hinaing ng mga residente.

Ayon sa reklamo ng mga residente, nagiging sagabal umano ang lumang tulay sa malayang pagdaloy ng tubig, partikular kapag malakas ang ulan, dahilan upang magkaroon ng pag-ipon ng tubig sa kanilang lugar.

Gayunman, hindi pa matitiyak kung ang lumang tulay lamang ang dahilan ng pagbaha sa Purok Star Apple. Maaari ring may iba pang salik gaya ng kapasidad at kondisyon ng mga kalapit na daluyan ng tubig na kailangang masuri.

Inaasahang mababantayan sa mga susunod na pag-ulan kung magkakaroon ng pagbabago sa daloy ng tubig matapos alisin ang naturang istruktura at kung kinakailangan pa ng karagdagang flood-mitigation measures sa lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments