Wednesday, June 24, 2026

DAGUPAN CITY, PINAIIGTING ANG PAGBABANTAY KONTRA DROGA AT BULLYING KAUGNAY NG INSIDENTESA TACLOBAN

Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang pagbabantay sa mga paaralan laban sa bullying at ilegal na droga kasunod ng naganap na insidente sa Tacloban City na nagdulot ng pangamba sa sektor ng edukasyon at komunidad.

Ayon sa panayam ng IFM News kay City Councilor Atty. Joey M. Tamayo, mahalagang mabigyang-pansin at muling suriin ang ng Juvenile Justice and Welfare Act (Republic Act 9344, as amended by RA 10630), na naglalahad ng mga alituntunin sa paghawak ng mga kaso na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Bilang tugon sa mga isyung ito, ipinahayag din ng opisyal na mayroong mga programang inilunsad ang lungsod tulad ng SafeNet na layuning magsilbing katuwang ng mga kabataan at biktima ng bullying upang makakuha ng agarang tulong, suporta, at gabay, lalo na laban sa depresyon at anxiety.

Binanggit din ang posibilidad ng mas istriktong regulasyon sa mga cybercafé o “piso net” upang maiwasan ang negatibong impluwensya sa kabataan.

Nagpaalala rin ang opisyal sa mga kinauukulan na patuloy na palakasin ang koordinasyon ng mga guro, magulang, at kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Samantala, hinikayat din ang mga kabataan na gamitin ang SafeNet at iba pang support programs upang maiwasan ang mas malalang problema sa kalusugan ng isip.

Sa huli, binigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang mapanatili ang ligtas, disiplinado, at maayos na kapaligiran sa mga paaralan ng Dagupan City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments