Binigyang linaw ng CENPELCO ang pagtaas ng singil sa mga kuryente ng consumer na ayon sa kanila ay dulot ng mataas na demand ng supply ng kuryente sa spot market ngayong tag init gayundin ang kanilang exposure dito at ng mga nagdaang rotational brownout.
Ayon sa kooperatiba, ang pagtaas ng singil ay dulot ng mataas na demand sa suplay ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ngayong tag-init, gayundin ng naging epekto ng mga rotational brownout sa kanilang power supply.
Sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang consumer ng CENPELCO, sinabi nilang nagulat sila sa biglaang pagtaas ng kanilang bayarin kahit wala naman umanong pagbabago sa mga appliances na ginagamit sa kanilang tahanan.
Dagdag pa ng consumer, isa sa kanilang ikinababahala ay kung paano iba-budget ang kanilang kita dahil hindi nila inaasahan ang malaking dagdag sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
Samantala, ayon kay Engr. Rodrigo F. Corpuz, General Manager ng CENPELCO, naka-monitor sila sa mga reklamong natatanggap mula sa kanilang mga consumer.
Aniya, kahit hindi nadaragdagan ang appliances sa bahay, tumataas naman ang oras ng paggamit ng mga ito, partikular ng mga electric fan at iba pang cooling appliances dahil sa matinding init ng panahon.
Ipinaliwanag din ni Corpuz na nakaapekto sa singil ang mataas na presyo ng kuryente sa spot market at ang mga nagdaang rotational brownout.
Dagdag pa niya, kung may pagdududa ang mga consumer sa kanilang electric bill, maaari silang magtungo sa tanggapan ng CENPELCO o makipag-ugnayan sa kanilang opisyal na social media accounts para sa paglilinaw bago bayaran ang kanilang bill.
Binigyang-diin din ni Corpuz na wala pa silang natatanggap na opisyal na anunsyo kung kailan tuluyang babalik sa normal ang singil sa kuryente.
Gayunman, umaasa silang mararamdaman ng mga consumer ang pagbaba ng singil sa mga susunod na billing period. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






