
Inaaksyunan na umano ng Schools Division Office ng Parañaque City ang video na kumakalat sa social media na nagpapakita umano ng sexual abuse at kinasasangkutan ng mga guro at estudyante.
Ayon sa inilabas na pahayag ng nasabing dibisyon, susundin nila ang kaukulang proseso alinsunod sa mga umiiral na batas, polisiya ng Department of Education, child protection protocols, at due process requirements.
Nakikipag ugnayan na umano ang dibisyon sa mga otoridad, para sa pagkakasa ng maayos at angkop na legal at administrative proceedings; mga ahensya ng gobyerno na pumuprotekta sa kapakanan at karapatan ng mga estudyante; at pagbibigay ng mga kinakailangang tulong sa mga estudyanteng sangkot sa insidente.
Samantala, hinimok naman ng dibisyon ang mga posibleng biktima, witness, o indibidwal na nakakaalam ng nasabing insidente, na lumapit at makipagtulungan para maresolba ito.
Maliban dito, hinimok rin ng dibisyon ang publiko na iwasang magpakalat ng mga hindi berepikadong impormasyon, para protektahan ang privacy at seguridad ng mga sangkot, at para hindi umano makompormiso ang nasabing imbestigasyon.
Samantala, mariin namang iginiit ng dibisyon, na pangunahing prayoridad nila ang protektahan at gawing maayos kapakanan ng mga estudyanteng sangkot sa insidente.










