Dalagita na Ginahasa at Itinali sa Puno-Patay, may ‘Persons of Interest’ na!

2344

Cauayan City, Isabela- May apat (4) na ‘persons of interest’ na ang pulisya sa karumal-dumal na pagpatay at panggagahasa sa isang menor de edad na babae na natagpuang nakatali ang leeg, mga kamay at paa sa isang puno sa taniman ng maisan sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. Alberto Florentino, OIC ng PNP Amulung, Cagayan, pansamantalang hindi muna papangalanan ang apat na pinaghihinalaan na gumahasa at pumatay sa dalagita dahil kasalukuyan pa ang isinasagawang malalimang imbestigasyon para tuluyan nang masampahan ng kaso ang mga ito.


Ayon kay P/Capt. Florentino, itinali ang leeg ng biktima na 14-anyos sa isang maliit na puno ng kahoy na siyang nakikitang dahilan ng kanyang agarang kamatayan habang nakatali palikod ang kanyang mga kamay at walang saplot sa pang-ibaba.

Lumalabas na positibong ginahasa ang dalagita base na rin sa pagsusuri ng Duktor na tumingin sa kanya.

Dakong 8:30 ng gabi noong Oktubre 13, 2019 huling nakita ang biktima sa kanilang tahanan na akala ng mga magulang nito ay nakitulog ang anak sa bahay ng kanyang lola na siyang madalas niyang tinutuluyan sa tuwing wala siya sa kanilang bahay.

Nagulat na lamang kinabukasan ang mga magulang ng biktima nang mabatid na hindi nakitulog ang anak sa kanyang lola at mabalitaan na patay na ito na natagpuan sa maisan.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagsisiyasat at manhunt operation sa 4 na persons of interest sa karumal-dumal na krimen.

Facebook Comments

From Advertisers