Ayon sa Police Regional Office 1 (PRO 1), nasamsam sa operasyon ang tinatayang 70 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na P476,000.
Pinangunahan ng mga operatiba ng Alaminos City Police Station ang operasyon katuwang ang Regional Intelligence Division (RID), Philippine Drug Enforcement Group Special Operations Unit 1 (PDEG SOU1), Provincial Intelligence Unit ng Pangasinan Police Provincial Office (PIU PangPPO), at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA-RO1).
Nahuli sa operasyon ang isang lalaki at isang babae na kapwa residente ng bayan ng Bani, Pangasinan.
Bukod sa hinihinalang iligal na droga, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang dalawang hindi dokumentadong baril at mga bala. Kabilang dito ang isang caliber .40 Glock 22 Gen4 pistol na may dalawang magazine at 37 bala, gayundin ang isang caliber .380 Bersa pistol na may isang magazine na kargado ng apat na bala.
Agad na isinailalim sa forensic documentation at beripikasyon ang mga nakuhang baril at mga bala bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon laban sa mga suspek.
Ayon sa awtoridad, ang pagkakaaresto sa dalawang high-value individual at pagkakasamsam ng droga, mga baril at bala ay nakatulong upang maiwasan ang posibleng banta sa kaligtasan ng mga komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








