DALAWANG INDIBIDWAL, ARESTADO SA OPERASYON NG PULISYA SA AGOO, LA UNION;HINIHINALANG SHABU, BARIL, AT MGA BALA, NASAMSAM

Arestado ang dalawang indibidwal matapos ang isinagawang search warrant operation ng mga awtoridad sa bayan ng Agoo, La Union, noong umaga ng Oktubre 14, 2026.

Ayon sa La Union Police Provincial Office o LUPPO, kabilang sa mga naaresto ang isang tinukoy na High-Value Individual o HVI, at isang Street-Level Individual o SLI, na kapwa nasa hustong gulang at residente ng Agoo.

Sa isinagawang operasyon, nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang 1.53 gramo ng hinihinalang shabu nanagkakahalaga ng ₱10,404, batay sa Standard Drug Price.

Narekober din ang isang baril, mga bala, isang granadang walang safety pin, at iba pang kagamitang hinihinalang may kaugnayan sa ilegal na droga.

Pinangunahan ng Agoo Municipal Police Station ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya, kabilang ang Regional Intelligence Division 1, Regional Intelligence Unit 1, Provincial Drug Enforcement Unit, at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Regional Office 1.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek at inaasahang mahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Patuloy namang isinusulong ng mga awtoridad ang koordinadong operasyon laban sa ilegal na droga at mga paglabag sa batas hinggil sa mga baril at bala. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments