Monday, July 27, 2026

Paulit-ulit na biglang-taas sa singil sa kuryente, pinasisilip ng isang senador

Pinaiimbestigahan ni Energy Committee Chairman Erwin Tulfo ang paulit-ulit na biglaang pagtaas ng singil sa kuryente bunsod na rin ng mga reklamo mula sa iba’t ibang sektor.

Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution 535 na layon ding makabuo ng pro-consumer na polisiya para permanenteng maresolba na ang problema sa biglaang pagtaas ng singil sa kuryente, gayundin ang iba pang problema tulad ng komplikadong billing statement, hindi tamang pagbasa ng metro at power interruptions.

Iginiit ng senador na ang mga consumers ay may karapatan din para sa patas, malinaw, tumpak at makatwirang singil sa kuryente pati na rin ang access sa mabilis at epektibong mekanismo sa pagresolba ng mga reklamo.

Isinusulong din ni Sen. Erwin ang pagkakaroon ng pangmatagalang patakaran sa kuryente na pabor din sa mga consumers.

Tinitiyak naman ng mambabatas na habang siya ang Chairman ng Energy Committee sa Senado ay magiging maagap siya sa paghahanap ng mga solusyon kung paano pabababain at gagawing abot-kaya ang singil sa kuryente.

Facebook Comments