Wednesday, June 24, 2026

DALAWANG MOST WANTED PERSONS SA DAGUPAN CITY, ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON

Alinsunod sa pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga wanted persons, matagumpay na naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang Top 2 at Top 3 Most Wanted Persons sa city level sa magkahiwalay na operasyon noong Hunyo 23, 2026.

Bandang alas-3:10 ng hapon, pinagsamang operasyon ng Police Station 6, City Intelligence Unit (CIU), City Mobile Force Company (CMFC), at Criminal Investigation and Detection Management Unit (CIDMU) ang nagresulta sa pagkakaaresto ng Top 3 Most Wanted Person sa Barangay Bonuan Gueset.

Ang suspek, isang 42 anyos na construction worker at residente ng naturang barangay, ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest kaugnay ng paglabag sa Sections 7, 13, 14, at 15 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa mga kaugnay na aktibidad sa drug den, dive, o resort. Ayon sa korte, isasailalim ang akusado sa service of sentence.

Samantala, bandang alas-5:00 ng hapon, isa pang operasyon na pinangunahan ng Police Station 2, katuwang ang CIU at CIDMU, ang nagresulta sa pagkakaaresto ng Top 2 Most Wanted Person sa Barangay Mayombo.

Ang suspek, isang 19 anyos na estudyante at inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Rape alinsunod sa Article 266-A (1) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act 8353. Ang nasabing warrant ay may petsang Hunyo 2, 2026 at walang inirekomendang piyansa.

Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Dagupan CPO para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments