
Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Pangasinan noong madaling araw ng Mayo 26, 2026.
Sa Barangay Poblacion sa Burgos, arestado ang isang suspek sa anti-illegal drugs operation ng pulisya katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency matapos umanong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu.
Sa isinagawang body search, nakuha pa mula sa suspek ang isa pang sachet ng hinihinalang ilegal na droga at buy-bust money.
Umabot sa tinatayang 1.1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P7,480 ang nakumpiska.
Samantala, isa ring buy-bust operation ang isinagawa sa Barangay Bocboc West, Aguilar ng Aguilar Municipal Police Station sa koordinasyon pa rin ng PDEA Region 1.
Dito, naaresto ang isang 33-anyos na construction worker na residente ng Aguilar matapos maaktuhan umanong nagbebenta ng ilegal na droga.
Narekober mula sa kanya ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na isang gramo at tinatayang halagang P6,800.
Bukod sa droga, nasamsam din ang marked buy-bust money, isang coin purse, at isang hand grenade na walang serial number.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek habang sasailalim sa inquest proceedings. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










