Thursday, August 20, 2026

Mga TNVS company, kinakausap na ng PNP matapos gamitin sa serye ng krimen sa Southern Metro Manila ang kanilang mga uniform

Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) company para sa isasagawang mga hakbang matapos gamitin sa krimen ang kanilang mga uniform.

Ayon kay Taguig City Police Office Chief of Police Col. Julius Añonuevo, may nahuli silang pinaniniwalaang organized crime group sa southern part ng Metro Manila na gumagamit ng mga uniporme ng MC Taxi.

Paliwanag ng PNP, ginagamit ito ng mga kriminal para hindi sila pagkamalang gumawa ng krimen.

Ang mga gumawa ng krimen suot ang mga uniform ay kampante raw at walang katakot-takot dahil ang buong akala ng publiko ay malinis ang kanilang trabaho.

Dahil dito, ipinanukala ng PNP na higpitan ang pag-iisyu ng mga uniporme ng mga MC taxi drivers at ipagbawal ang pagbebenta nito online at kung saan-saan.

Kahapon nang iprisinta ng mga awtoridad ang limang suspek na nahuli sa kanilang hide-out sa Binangonan, Rizal at lumalabas sa imbestigasyon ng PNP na sangkot sa mga krimen sa Taguig, Marikina at Rizal.

Kabilang sa mga kasong kinahaharap ng mga suspek ang murder-shooting, robbery holdup at carnapping at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments