Wednesday, June 3, 2026

DALAWANG TULAK, TIMBOG SA MAGKAHIWALAY NA BUY-BUST; ₱27K HALAGANG SHABU NASAMSAM SA PANGASINAN

Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Pangasinan noong Hunyo 2, kung saan aabot sa ₱27,200 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad.

Unang naaresto bandang alas-2:30 hanggang alas-3:30 ng hapon sa bayan ng Urbiztondo ang isang 41-anyos na negosyante matapos ang operasyon ng Urbiztondo Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.

Nakuha mula sa suspek ang tinatayang dalawang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱13,600, na nakalagay sa tatlong heat-sealed plastic sachet, bukod pa sa isang marked money na ginamit sa operasyon.

Samantala, isa pang buy-bust operation ang isinagawa sa Urdaneta City na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 31-anyos na vegetable vendor.

Nakumpiska rin mula sa operasyon ang dalawang gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱13,600.

Bukod sa droga, narekober din sa suspek ang buy-bust money, boodle money, digital weighing scale, cell phone, belt bag, at isang motorsiklo na pinaniniwalaang ginamit sa kanyang mga transaksyon.

Sa kabuuan, apat na gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang Standard Drug Price na ₱27,200 ang nasamsam sa dalawang operasyon. Patuloy namang nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek habang ipinagpapatuloy ng pulisya ang kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments