
Nagkasundo ngayon ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na palakasin ang kanilang ugnayan upang matulungan ang mga magsasaka sa pagbenta ng kanilang produktong agrikultural.
Pinag-uusapan nina DAR Undersecretary for Support Services Office Josef Angelo Martires at BJMP Chief Jail Director Ruel Rivera ang mga pamamaraan para lalo pang palakasin at palawakin ang saklaw ng proyekto para sa mga magsasaka.
Plano ng DAR at BJMP na magtuloy-tuloy ang direktang pagsuplay ng pagkain sa mga pasilidad ng BJMP sa buong bansa.
Ibinida ng dalawang ahensiya ng pamahalaan ang naging tagumpay ng proyekto, kabilang ang mahigit 115 milyong pisong kabuuang kita mula sa ARBOs mula nang ilunsad ito noong 2019.
Noong 2024 lamang, nakapagtala ang ARBOs ng mahigit sa 30 milyong piso sa bentahan.
Siniguro ng BJMP na tutulungan nila at susuportahan ang mga programa ng DAR para mayroong sapat na mapagkukuhaan ng masustansya at dekalidad na pagkain ang mga Persons Deprived of Liberty o PDL.