Monday, May 11, 2026

Misa at iba pang aktibidad, isinasagawa sa Batasang Pambansa kaugnay sa impeachment laban kay VP Duterte

Bago ang inaasahang botohan ngayong hapon sa plenaryo ng Kamara para sa impeachment kay Vice President Sara Duterte ay isang misa ang isinagawa ngayon People’s Center ng Batasan Complex na inorganisa ng People’s Impeachment Movement.

Kasama rito ang iba’t ibang civil society organizations, mga taong simbahan, iba pang observers gayundin si Fr. Joel Saballa na kabilang sa complainants ng ikatlong reklamong impeachment laban kay VP Sara.

Matapos dumalo sa misa ay plano ng mga miyembro ng People’s Impeachment Movement at iba pang kalahok na magmartsa patungo sa plenaryo ng Kamara kung saan gaganapin ang botohan kaugnay sa pagpapa-impeach kay VP Sara.

Sa labas naman ng Batasang Pambansa ay nagsagawa ng pagtitipon kanina ang iba’t ibang militanteng grupo tulad ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, Bayan Muna, ACT Teachers, Kabataan, National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA) Youth at iba pa.

Sumama rin sa pagtitipon ang mga kongresista ng Makabayan Bloc na sina Representatives Antonio Tinio, Renee Co at Sarah Elago.

Facebook Comments