
Inaasahang makakalaya na sa susunod na linggo ang dating modelo na si Deniece Cornejo mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City batay sa inilabas na utos ng Court of Appeals (CA) nitong Biyernes.
Matatandaang huling nahatulan si Cornejo noong 2024 ng parusang reclusion perpetua kaugnay ng kasong serious illegal detention na isinampa ng aktor at TV host na si Vhong Navarro.
Nag-ugat ang kontrobersyal na insidente noong 2014 sa isang condominium unit sa Taguig City kung saan pinaratangan ng kampo ni Cornejo si Navarro ng panggagahasa, na nauwi naman sa pambubugbog at detensyon sa naturang aktor.
Ayon sa legal counsel ni Cornejo na si Atty. Ferdinand Topacio, kasalukuyan nang pinoproseso ng Public Attorney’s Office (PAO) at iba pang mga abogado ang mga kinakailangang dokumento para sa opisyal na pagpapalaya sa kaniya.










