Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño, partikular sa suplay ng tubig at panganib ng sunog.
Ayon kay Mayor Belen T. Fernandez sa episode ng Bantay Dagupan nitong Oktubre 7, isinasagawa na ang imbentaryo ng mga deep well sa lungsod upang matukoy ang mga maaaring pagkunan ng tubig sakaling maapektuhan ang regular na suplay.
Ihahanda rin umano ang mga fire truck upang magamit sa water delivery kung kinakailangan, kabilang ang pagsasagawa ng sanitation sa mga ito.
Nakikipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa Philippine Red Cross para sa posibleng paggamit ng water filtration system bilang karagdagang hakbang sa pagtugon sa pangangailangan sa tubig.
Kasabay nito, tinalakay rin kasama ang Bureau of Fire Protection o BFP ang mga hakbang para mabawasan ang panganib ng sunog.
Kabilang dito ang grass cutting sa mga lugar na itinuturing na vulnerable sa sunog, katuwang ang mga barangay.
Target ng lokal na pamahalaan na maisagawa ang mga paghahanda bago maramdaman ang matinding epekto ng mainit na panahon upang mabawasan ang panganib sa suplay ng tubig, sunog at kalusugan ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








