Sinuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Ilocos Region ang Nalsoc Cave sa Barangay Colayo, Bani, Pangasinan, upang matukoy ang kasalukuyang kalagayan nito at matalakay ang mga hakbang para sa pangangalaga ng mga yungib sa rehiyon.
Pinangunahan ng Conservation and Development Division (CDD) ng DENR Ilocos Region ang pagsusuri noong Oktubre 7, 2026.
Bago pumasok sa yungib, sumailalim muna sa oryentasyon ang mga kalahok hinggil sa mga panuntunan sa kaligtasan at wastong paggamit ng mga kagamitan sa caving.
Kabilang sa mga sinuri ang mga pormasyon ng bato, mga organismong naninirahan sa loob ng yungib, at ang pangkalahatang kalagayan ng kapaligiran nito.
Kinabukasan, Oktubre 8, tinalakay sa Alaminos City ang mga resulta ng pagsusuri at mga planong may kaugnayan sa pangangalaga ng mga yungib sa Ilocos Region, sa pangunguna ni CDD Chief Marilyn M. Racoma.
Bukod sa Nalsoc Cave sa Bani, kabilang din sa mga pinag-usapan ang Sison Cave at Tapawan Cave sa Sison, Kimmalogong Cave sa Burgos, Aba-aba Cave sa Pagudpud, Ilocos Norte, Namengoengan Cave sa Sigay, Ilocos Sur, at Masing Cave sa Dasol, Pangasinan.
Nagtapos ang dalawang araw na aktibidad sa pagkilala sa mga tour guide na kinikilala ng Department of Tourism (DOT), na iginawad ni DOT Region I Assistant Regional Director Evangeline M. Dadat.
Layunin ng naturang aktibidad na mapalawak ang kaalaman sa kalagayan ng mga yungib at matalakay ang mga planong magsusulong sa kanilang pangangalaga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







